Thursday, February 10, 2005

Dalagang Gumigiling Sa Tanghalang Madilim

Tahimik akong nagmamasid
habang unti-unting tinatangay
ng espiritu ng alak

ang aking kamalayan.

Sa kutitap ng tila

bahagharing mga ilaw dagitab,

pinaiigting ng maharot mong indayog

ang init na kumukubabaw

sa aking katinuan.

Sabay na bumubulong

ang anghel at ang dyablo

pilit na nililito itong utak

na sa alak ay lango.

Impit ang samo

ng latak ng kamusmusan

na mali itong naglalaro
sa aking isipan.
Nakaririnding sigaw naman
ang pang-akit ng kamunduhan

sinasabing oras na

upang ikaw ay paglaruan.


Magpapatalo ba ako?
Nahihilo na ako.

Unti-unting kinakain ng libog

itong awang nadarama

sa dalagang gumigiling

sa tanghalang madilim.

(c) Jheric A. Saracho
January 11, 2005

No comments: